Malawakang genome sequencing, iminungkahi ng OCTA Research Group matapos na maitala sa bansa ang unang dalawang kaso ng Indian COVID-19 variant

Iminungkahi ng OCTA Research Group ang pagsasagawa ng malawakang genome sequencing matapos na maitala ang unang dalawang kaso ng Indian COVID-19 variant sa Pilipinas.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Dr. Butch Ong na ito ay para matukoy kung kumakalat na ang B.1.617 variant o ngayon lamang talaga ito nakapasok sa bansa.

Aniya, Disyembre pa unang nadiskubre ang double-mutant strain sa India, mga panahong maluwag pa ang pagbiyahe sa Pilipinas.


“It is worth noting na ang B.1.617 Indian variant, natagpuan nila December pa last year or even earlier. So, medyo matagal na yun and because we had… kumbaga easier ang ating travel during that time, who knows they could have been here earlier,” ani Ong.

Samantala, hindi pa masabi ni Ong kung makakaapekto sa projection nila ngayong Mayo ang pagkakatala ng Indian variant sa bansa.

“Part naman ng history natin yan na kapag may pumapasok, kapag tayo ay kampante talagang aakyat ang number of cases,” aniya pa.

“But it is worth noting that yung dalawang natagpuan na may Indiant variant ay natagpuan noong April, noong ECQ. Kumbaga, buti na lang medyo tight ang ating restriction at hindi nakakalat nang sobra ang Indiant variant na ‘to nung dumating siya,” dagdag niya.

Ayon sa World Health Organization (WHO) nakapasok na ang Indian variant sa 44 bansa sa buong mundo.

Facebook Comments