Hiniling ni Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate sa pamahalaan na sabayang gawin ang mass vaccination at mass testing.
Ang suhestyon ng Bayan Muna Partylist representative ay bunsod na rin ng halos 22,000 na COVID-19 cases na naitala ngayong araw.
Naniniwala si Zarate na ang magkasabay na malawakang bakunahan at malawakang testing, ito man ay antigen o RT-PCR test, ang pinakamabisang paraan upang mapigil ang lalo pang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Pinapa-realign ng kongresista ang available funds sa ilalim ng 2022 budget sa libreng bakuna, mass testing, seryosong contact tracing, agarang gamutan at iba pang wholistic health at medical interventions.
Pinakukunsidera rin na gawing parte ng isinusulong na libreng mass testing ang pagkakaroon sa mga tahanan ng sariling testing kits.
Giit ng kongresista, may sapat na pondo sa 2022 budget para bigyan ang mga pamilya na nais magpasuri ng test kits upang agad nilang matukoy kung positibo sa sakit at agad na makapag-isolate.