Sisimulan na ng Department of Interior and Local Government o DILG na bawiin ang mga kalsada sa Metro Manila.
Ito ay kasunod ng kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang ika-apat na SONA.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, sisimulan na niyang pulungin ang mga alkalde sa Metro Manila katuwang ang Metro Manila Development Authority o MMDA.
Isasagawa ito sa July 25 sa Metro Manila Council meeting.
Pupulungin din aniya ang mga barangay officials upang matiyak na hindi magsisipagbalikan at paulit-ulit ang clearing operations.
Sinuman aniyang mga magpapabayang mga lokal na opisyal ay sasampahan nila ng reklamo matapos ang ginawang pagbawi sa mga kalsada at paglilinis sa mga ito.
Kasabay nito, makikipag-pulong din aniya sila sa mga eksklusibong mga subdivision upang mabuksan ang kanilang mga kalsada sa mga motorista.
Samantala sa pagbisita ni Senator Bong Go sa mga nasunugan sa Doña Emelda sa QC, sinabi nito na basta’t may political will ang isang opisyal, paniguradong makakagawa ito ng magandang pagbabago sa kaniyang nasasakupan.