Walang nakita ang Malay local government na mali hinggil sa pagsingil sa isang turista ng tumatagingting na P16,000 para sa hair braid o pagtirintas ng buhok.
Ito ay matapos mag-viral online ang litrato ng hotel owner kung saan pinakita ang tinirintas na buhok at tinanong kung siningil ba ito nang tama.
Batay sa ulat, walang nakitang problema ang magulang ng batang tinirintasan ang buhok hinggil sa singil ng braider.
Iginiit din ng isang miyembro ng Malay Boracay Vendors Hair Braider Association na walang naganap na overpricing dahil may sinusunod silang taripa para sa kanilang hair services.
Dagdag pa rito, desisyon na ng bisita kung kaya ba nitong bayaran ang serbisyo o hindi at ipinapaliwanag naman ang ipapataw na dagdag singil depende sa nais na disenyo ng kliyente.