Malaysian Foreign Ministry, ipinatatawag ang Ambassador ng Pilipinas kasunod ng ‘Sabah tweet’ ni DFA Sec. Locsin

Ipinatatawag ng Malaysian Ministry of Foreign Affairs ang Philippine Ambassador kasunod ng Twitter post ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na hindi bahagi ng Malaysia ang Sabah.

Ang tweet ni Locsin ay komento niya sa tweet ng United States Embassy hinggil sa tulong na ibinigay sa mga Pilipinong ni-repatriate mula Sabah at nananatili na ngayon sa Zamboanga City at Bongao, Tawi-Tawi.

Sa pamamagitan ng tweet, iginiit ni Malaysian Foreign Minister Hishammudin Hussein na iresponsable ang pahayag ni Locsin na maaaring makaapekto sa bilateral relations ng Pilipinas at Malaysia.


Nanindigan si Hussein na ang Sabah ay mananatili at palaging bahagi ng Malaysia.

Wala pang tugon si Locsin hinggil dito.

Ang Sabah ay matatagpuan sa isla ng Borneo sa katimugan ng Mindanao, at bahagi ng territorial dispute sa pagitan ng Pilipinas at Malaysia.

Matatandaang inaangkin ng Pilipinas ang Sabah batay sa land lease agreement noong 1878 sa pagitan ng Sultanate of Sulu at British North Borneo Chartered Co.

Ang United Nations (UN) ay kinikilala ang Sabah bilang bahagi ng Malaysia.

Facebook Comments