Maglalabas na ng malinaw na guidelines sa lalong madaling panahon ang mga alkalde sa Metro Manila na susuporta sa datos na inilabas ng Inter-Agency Task Force (IATF) para sa paglabas ng mga bata sa kanilang tahanan.
Nabatid na batay sa guidelines, kabilang sa mga pinapayagan ang mga kabataang edad-17 pababa para bumili ng gamot at pagkain, bumisita sa doktor at dentista, mag-ehersisyo sa labas at bumiyahe sa labas ng rehiyon.
Habang kasama rin sa binigyang permiso ang mga kabataang nagtatrabaho na angkop sa kanilang edad.
Pero ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, hindi sapat ang datos dahil kailangang malaman ang tiyak na lugar na maaaring puntahan ng mga kabataan.
Kasama na rin dito na hindi pa maaaring magdine-in ang mga kabataan dahil posibleng tumaas ang tiyansang mahawa sa sakit lalo’t hindi pa bakunado ang karamihan sa mga ito.
Nitong October 15 nagsimula ang phase 1 ng pediatric vaccination sa edad 12 hanggang 17 na may mga comorbidities kung saan isinagawa ito sa walong napiling ospital sa Metro Manila.