Pinakikilos ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang pamahalaan na magkaroon ng malinaw na plano para tuluyang maibaba ang unemployment rate sa bansa.
Kaugnay na rin ito sa naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ng pagbaba ng unemployment rate o mga walang trabaho sa 4.5% ngayong October 2022.
Ayon kay Villanueva, ang pagbaba ng unemployment rate sa bansa sa 4.5% nitong Oktubre mula sa 5% noong Setyembre ay isang magandang balita.
Pero giit ng senador, kailangan pa rin ng malinaw na plano kung papaano masu-sustain o mapapanatili ang positive momentum na ito lalo’t sa susunod na taon ay 1.5 million ang madadagdag sa labor force dahil sa mga magsisipagtapos ng kolehiyo.
Inirekomenda ni Villanueva na mag-focus ang pamahalaan sa pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura lalo’t halos kalahating milyong trabaho sa sektor na ito ang nawala sa pagitan ng Hulyo hanggang Oktubre ngayong taon.
Naniniwala ang mambabatas na ang agrikultura ang ‘main driver’ para sa paglago at pagkakaroon ng maraming trabaho sa bansa.
Bukod dito, hinimok din ng senador ang pagpapatuloy at pagpapalakas sa mga programa ng pamahalaan tulad ng mga pagsasanay sa mga ‘in-demand’ na trabaho at pagpapataas ng kalidad ng trabaho.