Manila, Philippines – Tanggap ni Atty. Levito Baligod, isa sa mga nagsulong ng kaso laban kay Dating Senador Bong Revilla, ang kinahinatnan ng inihain nilang reklamo laban sa dating mambabatas.
Kasunod na rin ito ng pag-abswelto ng Sandiganbayan kay Revilla sa kasong plunder.
Si Baligod ay ang private complainant na nagsulong ng reklamo sa Ombudsman laban kay Revilla kaugnay ng sinasabing P224 million na anomalya na bahagi ng kanyang pork barrel fund.
Ayon kay Baligod, nauunawaan niya na ang desisyon ng Sandiganbayan ay resulta ng judicial process subalit naninindigan siya na nagamit sa maling paraan ang PDAF ni Revilla.
Kasabay nito, nanawagan si Baligod sa Kongreso na magpatupad ng reporma sa proseso ng pagbabadyet ng gobyerno para maiwasan na ang pork barrel system lalo na’t una nang idineklarang ng Korte Suprema na ito ay unconstitutional.