Cauayan City, Isabela – Inihahanda na ng pamunuan ng SM City Cauayan ang gaganapin nitong Fire and Earthquake Drill upang masigurong handa sila kung sakaling magkaroon ng mga tulad ng nasabing mga insidente.
Kasama ang mga mall tenants, security personnel at mga kasapi ng iba’t-ibang departamento ng mall, ibinahagi ni Senior Fire Officer 2 (SFO2) Edmund Lorenzo ang mga pangunahing paraan upang makaiwas sa sunog at ang mahigpit na pagpapatupad ng Fire Code ng Pilipinas ganundin ang mga paalala sa tamang paggamit ng fire extinguishers.
Kasama rin sa nagbahgi sa nasabing oryentasyon si Ginoong Michael Canero ng Cauayan City Disaster Risk Reduction Management Office, na tumalakay naman sa mga paraan upang maiwasan ang iba’t-ibang klase ng kalamidad at mga kapahamakang gawa ng tao.
Itinuro naman ni Engr. Mateo Pamittan, Building Administration Manager ng SM City Cauayan, sa mga mall tenants ang tungkol sa mga fire exits ng gusali at ang regular na pagsasagawa ng mga pagsasanay sa kahandaan o drills.
Ang fire at earthquake drill na ito ay regular na ginagawa ng nasabing mall upang masigurong ligtas ang kanilang mga empleyado at mamimili sakaling magkaroon ng nasabing mga insidente.
Ngayong taon, inaasahang magaganap ang Fire at Earthquake Drill ng nasabing mall sa buwan ng Pebrero o Marso.