Malnutrisyon sa mga bata, tututukan ng Zero Hunger Task Force

Nangangamba si Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles na ang malnutrisyon at pagkabansot sa mga bata ay lumala pa dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Nograles na pinuno ng Task Force on Zero Hunger, nakatuon sila sa pagtugon sa mga nasabing problema.

Aniya, posibleng magkaroon ito ng pangmatagalang epekto kapag hindi agad naagapan.


“Ito ‘yung aming tinututukan ngayon kasi pagka-stunted ‘yung bata ibig sabihin kulang ‘yung kain, ‘yung nutritional intake niya kaya hindi siya lumalaki, hindi siya tumataas at magiging effect po niya long-term,” sabi ni Nograles.

Dagdag pa ni Nograles, posibleng tumaas ang bilang ng mga batang tatamaan nito bunga ng limitadong access sa masustansyang pagkain.

“Actually, pababa rin nang pababa ‘yun. Pero again, ang kinatatakutan nga namin dahil sa COVID eh maaaring umakyat uli ‘yan kaya kailangan talaga ng intervention,” dagdag pa ni Nograles.

Ang mga batang may edad 0 hanggang 2 years-old ay dapat mabigyan ng sapat na sustansya dahil dito nagsisimula ang brain development.

Batay sa 2019 data ng Food and Nutrition Institute (FNRI) ng Department of Science and Technology (DOST), 28.8% ng mga batang may edad hanggang 59 months old ay bansot, mababa kumpara sa 30.3% noong 2018.

Facebook Comments