Manila, Philippines – Inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III na malusog, malakas at maayos ang kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay sa harap narin ng pahayag ni Pangulong Duterte na pagod na siya at naisip narin niyang bumaba sa posisyon dahil sa nagpapatuloy na problema sa katiwalian sa gobyerno at operasyon ng iligal na droga sa bansa.
Sa Press Briefing sa Malacañang ay sinabi ni Duque na kaya lang ito nasasabi ng Pangulo ay sa kanyang pagkadismaya at pagkainis ng mga iligal na gawain at hindi matapos tapos na problema ng bansa.
Pero sa mga pagkakataoon naman aniyang nakikita niya si Pangulong Duterte sa Cabinet meetings ay aktibo at masigla naman ang Pangulo.
Wala din naman aniya siya sa posisyon para irekomenda sa Pangulo na magbakasyon at magpahinga.
Paliwanag ni Duque, desisyon ito ni Pangulong Duterte at iginagalang niya ang anomang pasya ng Pangulo sa nasabing usapin.