Mamamahayag, patay matapos pagbabarilin sa Oriental Mindoro

Patay ang isang mamamahayag matapos pagbabarilin sa C5 Road, Barangay Sta. Isabel, Calapan City, Oriental Mindoro.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang pamamaril kaninang alas-4:00 ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Cresenciano “Cris” Aldovino Bunduquin, 50 taong gulang at nagpoprograma sa isang local radio station sa nasabing lalawigan.


Base sa inisyal na imbestigasyon, inabangan umano ng mga suspek na nakamotorsiklo ang biktima sa pagbubukas nito ng tindahan at saka walang habas na pinagbabaril.

Nabatid na dalawang tama ng bala sa dibdib ang tinamo ng biktima.

Patay naman ang isang suspek sa krimen habang nakatakas ang isa pa.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang hot pursuit operations ng PNP laban sa tumakas na suspek.

Facebook Comments