Mamasapano clash, malabong matuldukan kahit kinasuhan na sina dating Pangulong Aquino – kongresista

Manila, Philippines – Duda si House Committee on Public Order and Safety Chairman Romeo Acop na magsasara na ang karumal-dumal na Mamasapano incident na ikinasawi ng 44 na SAF commandos matapos na kasuhan ng Ombudsman sina dating Pangulong Noynoy Aquino, dating PNP Chief Alan Purisima at dating SAF Director Getulio Napeñas ng kasong kriminal.

Naniniwala si Acop na hindi mailalabas ang katotohanan sa naging operasyon sa Oplan Exodus sa pagtugis sa mga teroristang sina Zulkifli Bin hir alyas Marwan at Basit Usman dahil sa kinasuhan na ang tatlo sa Sandiganbayan.

Malabo aniyang makamit ang katotohanan sa operasyon kung hindi naman mapipilit na magsabi ng totoo sina Aquino, Purisima at Napeñas.


Bukod dito, ang pagsasampa ng kasong kriminal ay titingnan pa sa bigat ng mga ebidensya na ipiprisenta ng prosekusyon sa korte kung saan dapat na busisiing mabuti kung ano ang eksaktong partisipasyon ng tatlo.

Sinabi pa ni Acop na mahihirapan ding mapatunayan ang ikinasong Usurpation of Authority laban kay Aquino dahil sa lawak ng sakop ng kapangyarihan ng Presidente.

Sa naging resulta ng imbestigasyon ng Kamara at maging ng PNP ay lumalabas na walang ibang pinagkatiwalaan ang Pangulo para sa operasyon sa Mamasapano kundi si Purisima na suspendido naman ng mga panahong iyon.

Facebook Comments