Mambabatas na asawa ng isa sa nasawi sa Resorts World, pinasisilip ang pag-withdraw sa RCBC account ng kanyang maybahay

109

Manila, Philippines – Nagsalita na sa publiko si Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales matapos ang pagkasawi ng asawa nitong si Elizabeth Panlilio Gonzales sa nangyaring insidente sa Resorts World Manila.

Sa unang pagkakataon matapos ang tatlong beses na imbestigasyon na ginawa ng Kamara sa RWM incident ay naglabas ng saloobin ang mambabatas.

Sa pagdinig ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries, sinabi ni Gonzales na pinili niyang mag-inhibit sa imbestigasyon sa Resorts World Manila dahil magiging emosyonal lamang siya dito.


Sinamantala naman ng kongresista na ipaabot sa Bangko Sentral ng Pilipinas ang insidente kung saan nabawasan ang bank account ng kanyang asawa.

Ayon kay Gonzales tumawag sa kanya ang RCBC upang ipaalam na tatlong beses na may nag-withdraw sa bank account ng kanyang maybahay noong June 5 gayong batid na nasawi ang kanyang asawa sa insidente noong June 2.

Aabot sa 20,500 pesos ang kabuuang nawithdraw sa account ni ginang Gonzales.



Tiniyak naman ng BSP na sisilipin nila ang skimming na nangyari RCBC.

Facebook Comments