Mambabatas ng Bacolod City, kinasuhan ng Ombudsman

Bacolod City – Kinasuhan ng Ombudsman sa Sandiganbayan ang dating mambabatas ng Bacolod City dahil sa kabiguan nitong ma-account ang 50 million pesos na pondo na ginamit sa Southeast Asian Games noong 2005 sa nasabing lugar.

Kasong malversation of public funds at paglabag sa Section 3e ng Anti Graft and Corrupt Practices Act ang kinakaharap ngayon ni dating Bacolod City Cong. Monico Puentevella.

Base sa pagsisiyasat ng Ombudsman, noong Agosto 2005, nagpalabas ng Special Allotment Release Order ang Dept. of Budget and Management na nagkakahalaga ng 50 million pesos patungong Philippine Sports Commission para sa paghohost ng Pilipinas ng 23rd SEA Games.


Nang matanggap ito ng PSC, agad naman nilang ibinigay ang nasabing pondo sa pamamagitan ng tseke na nakapangalan sa Bacolod South East Asian Games Organizing Committee at kay Cong. Puentevella.

Nang magsagawa ng liquidation ang Commission on Audit, hindi nakatugon sa mga kaukulang dokumento ang Organizing Committee ng SEA Games at ang mambabatas dahilan para padalhan ito ng sulat para tumugon.

Subalit aabot pa sa mahigit 21 milyong piso ang hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapaliwanag ng Organizing Committee kung saan nadiskubre ding naideposito sa personal account ng dating kongresista ang kabuuang pondo nito.

Facebook Comments