Manila, Philippines – Pinayuhan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga manggagawa na magsampa ng reklamo laban sa kanilang employer na magpasibak sa kanila kasabay ng temporary closure ng Boracay.
Ayon kay DOLE Undersecretary Dominador Say, kapag sila ay na-terminate sa loob ng anim na buwang shut down ng isla, pwedeng lumapit ang mga manggagawa sa korte para sa illegal dismissal.
Maari aniya itong gawin ng mga may ‘security of tenure’ o mga regular na empleyado.
Una nang nagbabala si Labor Secretary Silvestre Bello sa mga establisyimento at negosyo sa Boracay na hindi aniya maaring sibakin ang empleyado kung ang dahilan lamang ay ang suspensyon ng kanilang operasyon.
Tiniyak naman ng DOLE na tutulungan nila ang mga manggagawang maapektuhan ng pagpapasara ng Boracay.