MANANAGOT | Mga kumanlong kay Ardot Parojinog sa Taiwan, papanagutin ng PNP

Manila, Philippines – Inaasikaso na ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang pagsasampa ng kasong kriminal sa mga personalidad na nagkanlong umano at tumulong kay Ozamis City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog para iligal na makalabas ng bansa.

Ayon kay PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Director Roel Obusan, may impormasyon na sila sa pagkakilanlan ng mga coddler ni Parojinog ngunit hindi pa nila ito mapangalanan sa ngayon dahil nasa proseso pa lang sila ng case build up.

Sinabi ni Obusan, mababalewala lamang ito kung babanggitin nila ang mga sangkot sa kanilang imbestigasyon kaya mas mainam pa na mangalap pa sila at kumpletuhin ang kinakailangang mga ebidensya.


Samantala, kinumpirma naman ng opisyal na gumamit ng back door o hindi dumaan sa regular na daanan si Ardot sa pagtakas sa bansa.

Nakatakda namang magtungo sa Taiwan ngayong linggo sina Obusan at Drug Enforcement Group Director Albert Ignatius Ferro para asikasuhin ang deportation ni Parojinog.

Facebook Comments