MANANAGOT | Mga pulis na nagpahayag ng hindi pag sang-ayon sa naging pamamalakad sa NCRPO ni PNP Chief Oscar Albayalde sa Facebook, tinutukoy na

Manila, Philippines – Iniutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Director General Oscar Albayalde ang pagtukoy sa mga pulis na hindi sang-ayon sa kanyang naging pamamalakad sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na idinaan sa pamamagitan ng Facebook.

Ayon kay Albayalde kapag natukoy na ang mga ito gusto niyang magreport ang mga ito sa kanyang tanggapan.

Paliwanag ng opisyal, walang problema sa kanya kung galit sa kanya ang ibang pulis pero sana ay idinaan sa tamang paraan ang paglalabas nila ng kanilang sama ng loob.


Mayroon aniyang Grievances Committee ang PNP para iparating ng mga pulis ang kanilang hinanakit o reklamo.

Hindi aniya magandang patagong binabanatan ng isang pulis ang kanyang kapwa pulis lalo at opisyal pa ang pinatutungkulan.

Kung hindi aniya makapagpigil ang isang pulis na banatan ang PNP o mismong kanyang mga kabaro ay mas maiging magbitiw na lamang ito sa pagkapulis.

Bagamat kasi aniya mayroon silang “freedom of expression” ngunit may ikinokonsidera aniya mga rules and regulation ang PNP at mayroong limitasyon.

Maari naman aniyang makasuhan ng insubordination ang mga pulis na mapapatunayang guilty.

Sa Facebook account na Buhay Lespu, nabasa mismo ni Albayalde ang mga hindi magagandang komento ng mga pulis sa kanyang ipinatutupad na patakaran sa NCRPO.

Facebook Comments