Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Office for Transportation Security (OTS) at Manila International Airport Authority (MIAA) hinggil sa umano ay nangyaring nakawan sa security screening checkpoint ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong August 30.
Sa reklamo ng Taiwanese national na si Mr. Cheng Chun Shu, nawala ang kanyang USD 2,600 o katumbas ng higit sa P100,000 habang sumasailalim sa inspeksyon ang kanyang bagahe.
Ayon kay OTS Administrator Undersecretary Arturo Evangelista, iniimbestigahan na nila sina Security Screening Officers Nievel Gorpe at Reinelle Alvarez na nakatoka bilang baggage inspectors noong mawalan ng pera ang biktima.
Sinabi pa ni Evangelista na nilabag ni Security Screening Officer Gorpe ang kanilang standard operating procedure nang magsagawa ito ng pagkapkap sa bag ng biktima habang wala ito o walang pahintulot.
Paliwanag pa ni Evangelista na hindi nila kinukunsinte ang ganitong maling gawain na naglalagay sa kanilang imahe sa negatibong perspektibo kung kaya at kapag napatunayan aniyang totoo ang bintang na pagnanakaw ng biktima ay paniguradong may mananagot at mahaharap sa patung-patong na reklamo.