Manila, Philippines – Binalaan ng Southern Police District (SPD) ang publiko na umiihi sa kalsada na maaari silang arestuhin at maparusahan base sa umiiral na mga lokal na batas.
Ito ay matapos na arestuhin ang 39-anyos na jeepney driver na si Fernando Pabor, nang matiyempuhan na umiihi sa kalsada habang natatabingan ng kanyang ipinapasadang jeep sa kanto ng Edsa at Park Avenue.
Ayon sa SPD, maaring makulong at pagmultahin ang sinumang mahuhuli na umiihi sa kalsada sa harap ng publiko.
Kakasuhan din sila ng paglabag sa Pasay City ordinance no. 1572 (urinating in public places) kaya at payo ng pulisya sa mga motorista na maghanap na lamang ng mga pampublikong palikuran tulad ng sa mga gasolinahan o sa iba pang establisimiyento kapag inabutan ng tawag ng kalikasan.