Manila, Philippines – Kasunod ng nangyaring pagatake ng armadong grupo sa Tripoli, Libya noong Lunes, pinagiingat ngayon ng Department of Foreign Affairs ang mga Pilipino doon, at pinapayuhan na manatiling vigilante.
Ayon pa sa DFA, nananatiling bukas ang kanilang tanggapan upang asistehan ang mga Pilipinong nais nang bumalik sa Pilipinas.
Base sa datos ng ahensya, nasa 1,800 mga Pilipino ang nananatili sa Libya ngayon.
Una na ring sinabi ni Charge D’ Affaires Mardomel Melicor ng Philippine Embassy sa Tripoli, na nakikipagugnayan rin sila sa mga leader ng Filipino Community upang matiyak na mayroong sapat na pagkain at tubig ang mga ito habang nagpapatuloy ang kaguluhan sa lugar.
Matatandaang nitong Lunes, anim na gunman ang nagsagawa ng pagatake, pamamaril at pagpapasabog sa National Oil Corporation Headquarters sa Dhara district, na nagiwan ng dalawang patay. Habang dalawa rin mula sa mga gunman ang nasawi.