Mariing kinondena naman ng Local na Pamahalaan ng Mandaluyong at San Juan ang pagkakadawit sa kanilang lungsod sa umanoy “vaccine for a fee scheme”.
Batay sa opisyal na pahayag ni Mandaluyong Mayor Menchie Abalos, agad na silang nakipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation Cyber Crime Division para imbestigahan ang nasabing scheme na trending ngayon sa social media.
Binigyang-diin ni Abalos na ang sinumang mahuhuling nagbebenta ng COVID-19 vaccine ay maaaring masampahan ng kaso, maging ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon.
Sinabi naman ni San Juan City Mayor Francis Zamora na posibleng isang propaganda ang pagpapaikot sa social media nito kung saan tiniyak niya na hindi sangkot ang mga miyembro ng San Juan Vaccination Team.
Aniya, inaalam na ng kanilang tanggapan ang mga nasa likod ng nasabing vaccine for a fee scheme upang mapanagot.
Giit ng dalawang alkalde, libre ang bakunang ibinibigay nila sa kanilang mga mamamayan, batay na rin sa guidelines na itinakda ng Inter-Agency Task Force.