Walang naitalang bagong kaso ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 ang Mandaluyong City kahapon.
Ito ay base sa datos ng health department ng lungsod.
Batay sa official facebook ng lungsod, June 5 pa ang pinakahuling araw na may nadagdag na kaso ng COVID-19 sa Mandaluyong, kaya naman hanggang sa araw na ito ay nananatili sa 720 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng virus sa lungsod.
Mula sa nasabing bilang, 57 ang nasawi.
Nadagdagan naman ng 15 ang bilang ng mga nakarekober kaya nasa 395 na ang kabuuang bilang ng mga gumaling sa sakit na dulot ng virus.
Sa bilang naman ng mga suspected cases sa lungsod ay nasa 1,466 na at mayroong 359 naman ang bilang ng mga probable cases.
Pakiusap naman ng Lokal na Pamahalaan ng Mandaluyong sa mga residente nito na panatilihin pa ring nasa loob lang ng bahay at sumunod sa mga health protocols at panuntunan kaugnay sa COVID-19 na ipinatutupad ng mga otoridad.