Mandaluyong LGU, pinauubaya sa mga magulang ang di pagpapapasok sa mga anak kung malakas ang ulan

Nagpaalala ang lokal na pamahalaan ng Mandaluyong sa mga magulang na maaari silang magdesisyon na hindi papasukin ang mga anak kapag malakas ang ulan.

Salig na rin sa DEPED at CHED guidelines, responsibilidad ng mga magulang na papasukin o hindi ang kanilang mga anak lalo na kung malakas ang ulan pero wala pang anunsyo ng kanselasyon o suspensyon ng klase mula sa lokal na pamahalaan.

Giit ng local government ng Mandaluyong, kung sa tingin ng mga magulang na delikado ang tatahakin ng mga bata kung papapasukin ng paaralan na malakas ang ulan, maaaring silang magdesisyon na huwag papasukin ang mga anak.


Pinaalalahanan din ang mga magulang na makinig ng balita, i-check ang website/anunsyo ng NDRRMC/PDRRMC at maging ang Office of the President.

Sang-ayon naman ang mga magulang na ibigay sa kanila ang diskresyon na huwag papasukin ang mga anak lalo na kung malakas ang ulan pero wala namang bagyo.

Bukod sa delikado, baha rin sa daan at wala ring masakyan ang mga estudyante pag malakas ang ulan.

Pero pakiusap ng mga magulang sa mga guro, kung magpasya man sila na huwag papasukin ang mga anak dahil sa sama ng panahon, huwag naman sanang bawasan ang grade ng kanilang mga anak sa araw na iyon.

Facebook Comments