Nilinaw ngayon ng Pateros Local Government Unit (LGU) na kailangan pa rin na tapusin ng mga residente ng naturang bayan na mayroong first level close contact sa COVID-19 patient ang kani-kanilang 14-day mandatory quarantine.
Ito’y kahit ano pa ang lumabas sa resulta ng gagawing COVID-19 RT-PCR test limang araw matapos ang exposure sa pasyente ng COVID-19.
Ayon sa LGU, negatibo o positibo man ang resulta sa swab test ng close contact ay kailangan pa rin nitong manatili sa kanilang bahay o quarantine facility hanggang matapos ang mandatory quarantine alinsunod na rin sa guidelines.
Paliwanag ni Pateros Mayor Ike Ponce, Delta variant na umano ng COVID-19 ang kinakaharap ng bansa ngayon.
Dagdag pa ng alkalde, sa ngayon ang Pateros ay may 6,920 COVID-19 cases kung saan 579 dito ang active cases, 88 ang binawian ng buhay at 6,249 ang gumaling.