Mandatory COVID-19 testing sa mga uuwing OFWs, ipinahahanda sa gobyerno

Iminungkahi ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda sa gobyerno na magsagawa ng mandatory testing sa mga pauwing OFWs sa mga susunod na buwan.

Ayon kay Salceda na isa rin ekonomista, mahalagang mapaghandaan ang paguwi ng nasa 420,000 OFWs sa mga susunod na buwan o kapag natapos na ang Coronavirus Health Emergency sa bansa upang maiwasan ang second wave ng COVID-19.

Nanawagan si Salceda sa pamahalaan na maglaan ng P20 Billion mula sa pondo ng Bayanihan Act para sa mga programa ng OWWA at DOLE sa OFWs.


Paliwanag nito, posibleng umabot ng halos $5 Billion kada taon ang mawawalang kita o remittances mula sa mga OFWs dahil sa epekto ng COVID-19 crisis.

Sinabi pa ni Salceda na sa kanyang pagtaya ay aabot pa ng 2 hanggang 3 buwan bago mabawi o bumalik sa normal ang level ng remittances.

Malaki ang magiging impact ng COVID-19 sa Pilipinas dahil karamihan sa best-paid OFWs ay sea-based, at umaasa sa tourism at global trade.

Dagdag pa ni Salceda, tinatayang aabot sa 230,000 hanggang 250,000 OFWs ang posibleng mawalan ng trabaho habang nasa 170,000 hanggang 180,000 ang uuwi muna pansamantala at saka lang pababalikin sa kanilang trabaho kapag humupa na ang krisis.

Facebook Comments