Tinututulan ni Senator Robin Padilla ang mandatory drug-testing sa mga artista bilang bahagi ng kampanya kontra-iligal na droga ng pamahalaan.
Ang panukala ay isinusulong ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers kasunod ng pag-aresto sa aktor na si Dominic Roco at apat na iba pa sa isang drug buy-bust sa Quezon City.
Giit ni Padilla, hindi maaaring obligahin o pilitin ang mga kapwa artista na sumailalim sa drug-test dahil ito ay katumbas ng paglabag sa kanilang karapatang pantao.
Kung ang senador ang tatanungin ay mas suportado niya ang boluntaryong drug-test ng mga taga-showbiz industry at ang gastos dito ay dapat na sagutin ng mga employers.
Nakikiisa aniya siya sa pagbibigay proteksyon sa mga Pilipino laban sa masamang epekto ng iligal na droga kasama rito ang kanyang mga kapwa artista.
Iminungkahi pa ni Padilla na mas dapat na sumailalim din sa drug-test ang mga opisyal at kawani ng gobyerno upang magpakita ng magandang halimbawa sa publiko.