Umpisa ngayong araw, isasagawa na ng lokal na pamahalaan ang “mandatory drug testing” sa mga empleyado ng Manila City Hall.
Ito ang inanunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuna sa flag raising ceremony sa Kartilya ng Katipunan kaninang umaga.
Sa katunayan, nauna ng sumalang sa drug test si Mayor Honey matapos ang flag raising ceremony.
Aniya, ang drug testing ay pagtalima sa memorandum ng Civil Service Commission o CSC.
Bukod dito, nais ng lokal na pamahalaan ng Maynila na patunayan na sila ay mayroong “drug-free work place.”
Sinabi pa ng alkalde na nagpadala na siya ng sulat sa mga kawani, at doon nakalagay ang araw kung kailan gagawin ang drug testing.
Ayon kay Lacuna-Pangan, ang resulta ng pagsusuri ay ipapadala sa Dangerous Drugs Board o DDB at sa Department of the Interior and Local Government o DILG.
Sinabi naman ni Atty. Princess Abante, ang tagapagsalita ng Office of the Mayor, ang lahat ng mga empleyado ay hinihimok na sumailalim sa drug testing kung saam magtatagali ito ng hanggang July 28, 2023.
Nabatid na nasa humigit-kumulang 8,500 na tauhan ng Manila City Hall ang target na maisalang sa mandatory drug testing.