Agad na ipinag-utos ni Department of Interior & Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa mga gobernador at alkalde ng 2,500 barangays sa Luzon ang mandatory evacuation simula kagabi.
Ito’y dahil sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Nika.
Ang mga lugar na ito ay mula sa Regions 1, 2, at Cordillera Administrative Region (CAR) na katatapos lamang din maapektuhan ng Bagyong Kristine, Marce, at Leon.
Sa presscon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ni Sec. Remulla, sinabi nitong mataas ang tiyansa ng landslide sa mga lugar na ito dahil basang-basa na ang lupa dahil sa mga nakalipas na bagyo.
Iniiwasan ding mangyari ni Remulla na maulit ang insidente sa Talisay, Batangas kung saan maraming buhay ang nawala matapos matabunan ng lupa ang tahanan ng ilan nating mga kababayan.
Samantala, tiniyak ng kalihim na nakahanda na sa ground ang mga responders mula sa national government.
Naka-standby na rin ngayon ang mga air assets ng Air Force of the Philippines (AFP) na gagamitin sa relief operations kabilang ang 2 C-130 aircraft, 4 na Blackhawk helicopters, at 3 Bell helicopters.
Mayroon ding 5 helicopters ang Philippine National Police (PNP) na maaaring magamit sa paghahatid ng tulong.
Sa panig naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), mayroong 250,000 family food packs ang nakahanda para sa augmentation ng mga lokal na pamahalaan na maaapektuhan ng bagyo.