Dedesisyunan na ngayong linggo ng national government ang polisiya hinggil sa pagsusuot ng face mask.
Ito ay makaraang isalang na lamang muna ng Cebu City sa apat na buwang trial period ang Executive Order (EO) na inilabas nito kamakailan hinggil sa boluntaryong pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar.
Matatandaang kinuwestiyon ni Department of Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire ang nasabing EO na aniya’y hindi ikinonsulta sa ahensya.
Ayon naman kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, iginagalang nila ang awtonomiya pero mayroong pambansa at lokal na batas na sinusubukan ngayong pagsamahin ng Inter-Agency Task Force.
Tiniyak naman ng kalihim na pinag-aaralan nila itong mabuti bago sila maglabas ng desisyon.
Aminado rin siya na tanging ang Pilipinas at Myanmar na lamang ang mga bansa sa ASEAN na nagre-require ng face mask sa labas.
Samantala, ilalabas ng DILG at IATF ang desisyon matapos nila itong iprisinta kay Pangulong Bongbong Marcos.