Ipinag-utos ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez sa mga pamunuan ng pampublikong ospital at city health office na ilagay agad sa mandatory isolation ang lahat ng indibidwal na magpopositibo sa COVID-19.
Partikular na inatasan ng alkalde sina Dr. Jefferson Pagsisihan, Director ng Ospital ng Parañaque; Dr. Lea Grace Vasquez, Hospital Administrator ng Ospital ng Parañaque II; Dr. Olga Virtusio, Head ng City Health Office (CHO) at Dr. Darius Sebastian, Head ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU).
Ayon kay Olivarez, dapat gawin nila agad ang mandatory isolation base sa health protocols na inilatag ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung saan maaaring i-isolate ang magpo-positibo sa COVID-19 sa anim na isolation facilities.
Kabilang na rito ang Ospital ng Parañaque I at II, Parañaque National High School Main Campus, Parañaque City College, San Antonio High School at Dr. Arcadio Santos National High School.
Nabatid kasi na patuloy na tumataas ang kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Parañaque at nais ng alkalde na makontrol o di kaya ay mapigilan ang paglaganap ng sakit.
Base sa datos ng city health office, muling nadagdagan ng 86 na panibagong kaso sa lungsod at dahil dito, pumalo na sa 1,697 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Parañaque City habang 708 dito ang active cases.
Nasa 68 ang nasawi at 921 na mga residente sa lungsod ang nakarekober mula sa nakamamatay na sakit.