Muling inihirit ng ilang kongresista sa Inter-Agency Task Force (IATF) na ipahinto na ang mandatory na paggamit ng plastic barriers sa pag-angkas ng motorsiklo.
Ayon kay Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin, makailang beses nang nilinaw ng Department of Health (DOH) at Philippine General Hospital (PGH) na ang kombinasyon ng pagsusuot ng medical-grade face mask at face shield ay sapat na para mabigyan ng mataas na proteksyon laban sa COVID-19.
Iginiit ng kongresista na wala rin itong pinag-iba sa Motorcycle Helmet Act na ang pagsusuot ng full face helmets at face masks ay sapat na rin para maprotektahan laban sa sakit ang driver at ang angkas na pasahero.
Maging ang mga motorcycle manufacturers at engineers ay naghayag din na walang scientific basis at logic ang paggamit ng barriers sa motorsiklo.
Bukod aniya sa wala talagang pakinabang sa mga motorista ang plastic barriers ay takaw-aksidente lamang din ito na posibleng ikapahamak pa ng publiko.
Mali rin aniya ang payo na mag-drive ng mabagal ang mga nagmomotor lalong lalo na sa national highways tulad sa EDSA, Commonwealth Avenue, at Roxas Boulevard.