Walang inaasahang malaking impact sa fund life ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mandatory registration sa PhilHealth ng mga mag-aaral sa kolehiyo.
Pahayag ito ni PhilHealth Spokesperson Dr. Shirley Domingo kasunod ng pagiging requirement ng PhilHealth membership bago makalahok sa face-to-face classes ang mga estudyante ng higher education.
Sa Laging Handa public press briefing, ipinaliwanag ng opisyal na ito ay dahil halos lahat naman na ng mga Pilipino ay miyembro ng PhilHealth.
Sa ilalim kasi aniya ng Universal Healthcare Law, awtomatikong eligible ang lahat ng Pilipino sa benepisyo ng batas.
Ibig sabihin, kung mangangailangan ng in-patient services ang isang indibidwal ay maaari na agad itong magpa-admit.
Ang nais lamang aniya ng pamahalaan sa kasalukuyan ay mairehistro na rin sa database ng tanggapan ang mga mag-aaral.