Hiniling ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa Senado na gawin na lamang ‘optional’ ang panukala na planong pagbuhay muli sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC).
Ang apela ni Pimentel ay kaugnay sa mga panawagan ng ilang grupo na tuluyang ibasura ang planong pagbuhay muli sa ROTC dahil nagiging ugat din ito ng karahasan sa mga paaralan tulad ng hazing.
Matatandaang nasawi sa hazing ang isang estudyante ng Adamson University na si John Matthew Salilig matapos sumailalim sa welcoming rites ng Tau Gamma Phi chapter.
Giit ni Pimentel, ibasura na ng Kongreso ang isinusulong na panukala na gawing mandatory ang ROTC sa mga eskwelahan.
Sa halip na obligado ang mga estudyante na sumailalim sa military training na ito ay gawin na lamang itong ‘optional’ sa mga mag-aaral na gustong sumabak o interesadong maging militar.
Anim na panukalang batas ang inihain sa Senado para sa muling pagbabalik ng ROTC kung saan ito ay gagawing mandatory sa lahat ng mga college students sa bansa.