Iginiit ng Kabataan Party-list na hindi kailangang ipatupad ang mandatory Reserve Officer’s Training Corps o ROTC para mapahusay ang pagtugon ng bansa sa mga kalamidad.
Ayon kay Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, napakahinang palusot ng nasabing rason para lang maibalik ang ROTC.
Sabi ni Manuel, ito ay dahil base sa National Service Training Program (NSTP) Act of 2001, pwedeng-pwede nang i-mobilize ang ating mga kabataan sa panahon ng sakuna kahit walang ROTC.
Binanggit ni Manuel na sa katunayan sa nakaraang mga bagyo at sakuna ay may mga panahon na mas mabilis pa o nauuna pa ang ating mga youth group at mga civic organization na rumesponde.
Diin ni Manuel, pagtutol sa mandatory ROTC ay kaisa nila ang mga education stakeholder, mga magulang, estudyante at mga concerned group at professionals.