Hiniling nila CIBAC Partylist Representatives Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva at Domeng Rivera sa Land Transportation Office (LTO) na ipagpaliban muna ang planong mandatory seminar para sa mga nais mag-renew ng driver’s license.
Ang panawagan ng mga kongresista ay dahil sa naunang anunsyo ng LTO Regional Office-11 na kailangan munang sumailalim sa mandatory seminar ang lahat ng magre-renew ng kanilang lisensya na mayroon nang 10 year validity kahit pa nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) na hindi pa ito pinal na panukala.
Apela ni Villanueva, kahit pa ito’y panukala pa lamang, nakikiusap sila na huwag munang ituloy ang mandatory seminar ngayong nasa gitna pa rin ng COVID-19 pandemic ang bansa at dagdag gastos lamang din ngayong krisis ang planong seminar.
Nababahala ang kongresista na kapag natuloy ay magiging lantad ang mga aplikante na mahawaan ng impeksyon lalo’t kalat na sa buong Metro Manila ang mga bagong variants ng COVID-19.
Nilinaw naman ni Rivera na hindi sila tutol sa planong seminar na may layong tiyakin na karapat-dapat ang aplikante na mabibigyan ng lisensya.
Hiling lamang aniya nilang kongresista na ikonsidera ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa kung saan maaari naman itong ituloy sa oras na makabawi na ang Pilipinas mula sa epekto ng pandemya.