Mandatory swab testing sa mga manggagawa, hindi kakayanin ng mga maliliit na negosyo

Nagbabala ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na lalong dadami ang mga mawawalan ng trabaho kapag iginiit ng pamahalaan ang mandatory swab testing sa mga manggagawa na sasagutin ng mga employers.

Ayon kay ECOP President Sergio Ortiz-Luis Jr., dapat alalahanin ng pamahalaan na 90% ng mga negosyo sa bansa ay maliliit lamang.

Habang ang mga malalaking kompanya ay nanganganib na magtanggal na lamang ng manggagawa dahil sa laki ng babalikatin nilang gastos sa swab testing na nagkakahalaga ng ₱2,000 hanggang ₱4,000.


Sa kabila nito, tiniyak ni Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Silvestre Bello III na sasagutin ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ang gastos sa pagsasailalim sa Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) testing ng mga manggagawa mula sa ilang sektor.

Aniya, pinal na ang pagpapatupad ng ganitong panuntunan pero kailangan pang pag-aralan kung gaano kadalas isasagawa ang pagsusuri.

Maliban dito, pinag-aaralan din sa panuntunan ang paglalaan ng isolation area para sa mga manggagawa.

Facebook Comments