Mandatory vaccination, ipatutupad na kasunod ng tigdas outbreak

Manila, Philippines – Ipinatutupad na ng Malacañang ang mandatory vaccination matapos ideklara ng Department of Health (DOH) ang measles outbreak sa ilang lugar sa bansa.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, batay sa Republic Act (RA) 10152 o Mandatory Infants and Children Health Immunization Act of 2011 ay inaatasan ang gobyerno na bigyan ng libreng bakuna ang mga sanggol hanggang limang taong gulang sa anumang ospital ng pamahalan at health centers.

Aniya, kabilang rin sa libreng vaccination na dapat ibigay sa mga sanggol hanggang limang taong gulang ay para sa tuberculosis; diphtheria, tetanus at pertussis; poliomyelitis; mumps; rubella o German measles; hepatitis-B at H. Influenza type B.


Giit pa ni Nograles, ang direktiba para sa DOH na paigtingin ang information drive para sa bakuna ay naaayon sa Section 4 ng batas.

Mahalaga rin aniya na magamit lahat ng makinarya ng gobyerno at health sector para maipaalam sa publiko ang libre at ligtas na bakuna para mabigyan ng proteksiyon ang mga bata sa bansa.

Facebook Comments