Pinag-uusapan na ng pamahalaan ang posibilidad na gawing mandatory para sa mga guro ang pagpapabakuna laban sa COVID-19.
Ito ay sa gitna ng paghahanda ng pamahalaan sa transition plan ng pandemya patungong ‘new normal’ kung saan kabilang dito ang muling pagbubukas ng face-to-face classes.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, pinag-uusapan na ito sa pagpupulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) at aminado si Education Secretary Leonor Briones na magiging malaking problema kung may mga guro na ayaw magpabakuna.
Ito aniya ang tututukan ng Department of Health (DOH) at sa kasalukuyang datos ay patuloy namang dumadami ang mga guro na gustong magpabakuna kontra COVID-19.
Matatandaang nauna nang sinabi ng Department of Education (DEPED) na tanging ang mga bakunadong teaching at non-teaching personnel lamang ang papayagang lumahok sa expansion ng pilot implementation ng face-to-face classes sa bansa.