Naglabas ng anunsyo ang Office of the Civil Defense Ilocos ukol sa maaga o mandatoryong pagpapalikas sa mga residente sa Ilocos Region na nakatira sa “at risk” o mga mapanganib na lugar dahil sa posibleng banta pa ng Habagat, maging ang minor sea level disturbance na idinulot ng 8.7 na lindol sa Kamchatka, Russia.
Sa pinirmahang memo ni OCD RO1 Regional Director at RDRRMC1 Chairperson Laurence Mina, inaatasan lahat ng nangangasiwa sa bawat Local DRRM Councils sa Region 1 sa implementasyon ng agarang paglikas ng mga nasabing residente.
Inabisuhan din ang mga pamunuan na magsagawa ng paghahanda tulad ng pinaigting na monitoring, pagbabawal sa pangingisda, pagligo sa dagat at iba pa.
Hinikayat din ang pagkakaroon ng science and evidence-based na mga kautusan, resource inventory at stockpiling.
Iminungkahi ng RDRRMC1 ang pagpapalakas pa ng risk communication at pagsasalokal ng mga abiso at-babala sa mga komunidad.
Samantala, pinaalalahanan naman ang mga residente na ugaliing tumutok sa mga inilalabas na weather advisories mula sa kinauukulan, at maging handa at alerto. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









