Mangingisda na Na-trap ng Isang Araw sa Gitna ng Dagat, Ligtas nang Nakauwi sa Kanilang Bahay

Cauayan City, Isabela- Ligtas na nakauwi sa kanilang tahanan ang isang mangingisda sa Barangay Magsidel, Calayan, Cagayan matapos ang isang araw nitong pananatili sa gitna ng dagat.

Ayon sa mangingisda na kinilalang si Ruben “Bintot” Estorba, 48 taong gulang, na residente ng Barangay Magsidel, Calayan, alas-tres ng madaling araw noong Biyernes nang umalis siya para mangisda at nang siya’y pauwi na ay biglang namatay ang makina ng kanyang lampitaw.

Tuluyang nasira ang makina ng kanyang bangka na ginamit sa pangingisda sa baybaying bahagi ng Katanapan sa Barangay Dibay na sakop din ng islang bayan ng Calayan.


Sa video na pinost ng kanyang kapatid na si Elliah Estorba, umiiyak na kwinento nito na ginamit muna niya ang dalang nylon at itinali sa steel bar na ibinato niya sa dagat para hindi matangay ng alon ang bangka.

Kinabukasan, may napadaang isang barko na pag-aari ng Altamar International Shipping Company, Inc. na nakabase sa Metro Manila at kinuha namang pagkakataon ni Bintot para humingi ng tulong.

Labis naman ang pasasalamat ni Elliah sa Altamar International Shipping Company, Inc. at sa Philippine Coast Guard sa pagrescue sa kanyang kapatid.

Facebook Comments