Isang lalaking mangingisda ang nakaligtas matapos sakmalin ng umano’y nagambalang buwaya sa Balacbac, Palawan.
Nagtamo ng sugat sa ulo at kaliwang mata ang biktima na kinilalang si Janilon Daking Amalong, 25 taong gulang.
Ayon sa imbestigasyon, nangingisda ang lalaki kasama ang tiyuhing si Monching Daki gamit ang isang spear gun nang bigla silang atakahin ng buwaya dakong ala-1 ng umaga nitong Huwebes.
Naganap ang insidente 100 metro ang tinatayang layo sa mangrove area ng Sitio Silom-Silom, Brgy. Catagupan.
Isinugod muna si Amalong sa Rural Health Unit ng Balacbac upang mabigyan ng paunang lunas bago tuluyang dinala sa Puerto Princesa City para sa mas matinding pagsusuri.
Makailang beses na raw nagpaalala ang kinauukulan na huwag lalapitan ng mga residente ang posibleng tahanan ng mga buwaya.
Paliwanag pa nila, lumalabas ang pagiging agresibo ng buwaya tuwing gabi dahil sa pagiging nocturnal animal nito. Kaya naman pinapaiwasan sa lugar ang mga aktibidad na maaring makabulabog sa mga teritoryo ng naturang hayop.
(BASAHIN: Lalaki, nagtamo ng 23 sugat dahil inatake ng buwaya)
Ito ang pangalawang insidente ng pag-atake ng buwaya sa bayan ng Balabac ngayong taon.
(PHOTO COURTESY OF PRO-MIMAROPA)