Iginiit ng ilang mga PDP-Laban members at Partylist Coalition sa Kamara na walang basehan ang manifesto of support para sa Speakership ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Ayon kina Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin at TUCP Partylist Rep. Raymond Mendoza hindi dumaan sa kunsultasyon sa kanilang mga miyembro ang manifesto at lumalabas na mga lider lamang ng partido ang sumusuporta kay Velasco.
Binigyang diin pa ng mga mambabatas na hindi ito consensus ng mga miyembro lalo na ang ginawang pagpirma ni Partylist Coalition President Mikee Romero daladala ang pangalan ng partido.
Binalaan naman ni Defensor na maaari nilang palitan si Romero bilang Pangulo ng PCFI at may numero sila dito.
Inamin din ni Albay Rep. Joey Salceda na walang nangyaring konsultasyon sa mga miyembro ng PDP-Laban bago iendorso Velasco bilang House Speaker.
Giit ni Salceda na dapat kunsultahin din silang mga miyembro sa isyu ng Speakership at hindi lamang ang mga lider ang nagdedesisyon lalo’t mayroon din silang mga nagawa para maipanalo ang mga administration bet noong nakaraang eleksyon.