Manila, Philippines – Lumalabas ngayon sa isinagawang pag-aaral ng mga eksperto na mataas sa coliform content ng tubig sa Manila Bay na mapanganib sa kalusugan ng mga tao.
Sa ginawang inspeksyon ni Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu sa mga estero sa Maynila, lumalabas na ang mga dumi na galing sa mga ito ay dumideretso sa Manila Bay dahil sa kawalan ng sewerage system, treatment plant at sariling septic tank.
Sa pag-ikot ni Cimatu sa estero San Antonio de Abad sa pagitan ng Ospital ng Maynila, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Manila Zoo, nakita niya na walang treatment plant ang zoo kaya inatasan niya ang pamunuan nito na ayusin ang dinadaluyan ng dumi ng mga hayop.
Napag-alaman pa na ang mga sewerage system kung saan konektado ang mga bahay, hotel at iba pang establisyimento ay napupuno pero hindi nila ito magawang linisin.
Dahil dito, uunahin munang alamin ng DENR ang mga estero na posibleng pinagmumulan ng dumi na tumatapon sa nasabing karagatan bago ang rehabilitasyon sa Manila Bay.