Nagpaalala ang Bureau of Permits and Licensing Office (BPLO) ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga negosyante sa lungsod hinggil sa “guidelines” o mga panuntunan ngayong umiiral ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Ayon kay Levi Facundo, Hepe ng BPLO, kailangang mahigpit na ipatupad ang mga health protocol sa lahat ng mga establisyimento o mga negosyo na pinapayagan na mag-operate o magbukas sa panahon ng MECQ.
Sinabi pa ni Facundo na hangga’t maaari ay ayaw sana ng Bureau of Permits na patawan ng parusa ang mga susuway na negosyante, dahil sa hirap ng buhay na dala ng COVID-19 pandemic.
Pero dapat isipin ng mga ito ang pangangailangang tumalima sa lahat ng uri ng pag-iingat laban sa COVID-19.
Kabilang sa health protocols na inilatag sa lahat ng business establishments sa Maynila ay physical distancing, thermal scanning sa mga tauhan o kliyente, paglalagay ng foot baths at pagsusuot ng face mask.
Dagdag pa ni Facundo, ang mga negosyo na lalabag sa mga nabanggit ay iisyuhan ng show cause orders, at kapag hindi naglatag ng kanilang maayos na paliwanag ay maaaring mapatawan ito ng closure order.