Manila, Philippines – Tinawanan lamang ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagkakasama ng lungsod sa listahan ng Toronto Sun, isang International Tabloid Newspaper, bilang isa sa mga pinaka delikadong siyudad sa buong mundo.
Ayon kay Atty. Ericson Alcovendaz, City Administrator ng Lungsod ng Maynila, hindi aniya makatotohanan kung ang pinagbasehan lamang sa naturang listahan ay ang bilang ng mga napapatay dahil sa iligal na droga, kung saan hindi nabibigyang pansin ang mga indibiwal na nasampahan na ng kaso.
“Marami na ‘yong nai-file na kaso. Mas marami po yung na filed (cases) compared to the number of death and injuries out of legitimate (anti-illegal) drug operation.”
Ayon kay Alcovendaz, dati na rin namang nabansagang ‘Gate to Hell’, ang Maynila noong 2013, kaya hindi na rin sila naniniwala sa mga ganitong klase ng artikulo.
Makabubuti rin aniya kung mabibigyan ng pansin ang mga proyekto ng lungsod tulad ng paglilinis sa Pasig River para tangkiliking muli ang Ferry service, at ang mga Reclamation Project na una nang napirmahan ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila.
Sa naturang listahan ng Toronto Sun, bukod sa Maynila, kabilang sa mga napasama sa tinaguriang “World’s Most Dangerous Cities” ay ang Perth, Australia; Karachi, Pakistan; Raqqa, Syria; Kiev, Ukraine; Naples, Italy; St. Louis at East St. Louis, Illinois.