Inihayag ngayon ng pamunuan ng Manila City Jail na nananatiling COVID free pa din ang kanilang pasilidad kasunod ng mga lumalabas na balitang may mga inmates sa ilang kulungan sa Metro Manila ang nagkaroon ng positibong kaso ng Coronavirus Disease o COVID-19.
Ayon kay Manila City Jail Spokesperson Jail Senior Inspector Jayrex Bustinera, wala silang kawani ng piitan na pinauwi mula ng ipinatupad ang Enhance Community Quarantine upang masigurong hindi mahahawaan ng sakit ang mga ito lalo na kung papasok sa trabaho.
Tuloy-tuloy ang isinasagawang disinfection sa Manila City Jail upang makaiwas sa sakit habang nagpapatuloy din ang education and awareness campaign sa mga Person Deprived of Liberty o PDL.
May nakahanda naman isolation area ang Manila City Jail sakaling may mag-positibong kaso ng COVID-19.
Gumagawa na din ng paraan ang pamunuan ng Manila City Jail kung paano paiiralin ang physical distancing lalo na’t nasa 4,800 ang inmate gayung nasa 1,100 na inmate lamang ang kapasidad nito.