Manila DRRMO, may paglilinaw sa bilang ng nasawi sa pagbagsak ng puno sa Estero de Magdalena

Nilinaw ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) na dalawa lamang ang kumpirmadong bilang ng nasawi sa nangyaring pagbagsak ng puno sa ilang mga bahay sa Estero de Magdalena sa Binondo, Maynila.

Taliwas sa naunang report na inilabas ng Bureau of Fire Protection (BFP), sinabi ni Manila DRRMO Director Arnel Angeles na nananatili pa rin sa ospital ang isang biktima na napaulat na nasawi.

Ito ay kinilalang si Jomar Portillo na tatay ng nasawing John Mark, 2 taong gulang.


Sa pahayag mismo ng kinakasama ni Jomar na si Jecalyn Villorijo, nasa ospital pa ang mister kung saan isinailalim ito sa operasyon habang ang anak ay nananatili pa rin sa punerarya.

Sinabi ng ginang, hindi pa nila nailalabas ang bangkay ng anak dahil may mga pinoproseso pa na dokumento.

Kaugnay nito, nanawagan pa rin ng tulong si Jecalyn para sa pagpapagamit ng mister at sa burol ng kaniyang nasawing anak.

Facebook Comments