Sisikapin ng Manila Health Department (MHD) na tapusin ang pagbabakuna laban sa tigdas at rubella bago pa man dumating ang COVID-19 vaccines sa Pilipinas.
Ayon kay Manila City Health Officer Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, target nilang kumpletuhin sa loob ng dalawang linggo ang libreng measles vaccination drive sa mga batang Manilenyo.
Ito ay para kapag dumating na sa bansa ang mga bakuna kontra COVID-19, ay nakatuon na lamang ang pansin ng MHD sa nakatakdang vaccination program ng lokal na pamahalaan.
Sa update, nasa halos 38,603 mga bata na may edad sa pagitan ng 9 na buwan hanggang 59 buwan ang nabakunahan na mula nang magsimula noong Lunes ang programang “Chikiting Ligtas sa dagdag bakuna kontra tigdas at rubella.”
Target naman ng lokal na pamahalaan na mabakunahan kontra tigdas at rubella ang halos 146,000 mga bata sa kalagitnaan ng Pebrero.