Manila, Philippines – Susuyurin ng Manila Health Department ang mga puneraryang hindi tumatalima sa kautusan ng ahensiya na magkaroon ng maayos at malinis na sanitary facilities ang kani-kanilang funeral parlor.
Ang hakbang ng Manila Health Department ay kasunod na rin ng mga napaulat na marami pa ring mga punerarya ang walang sanitary permit at patung-patong ang mga bangkay sa kanilang mga punerarya.
Matatandaan na kamakailan lamang binigyan ng warning ng Manila Health Department ang Archangel Funeral Parlor matapos na ireklamo na patung-patong ang mga bangkay at masangsang na amoy ang kanilang punerarya.
Ayon kay Manila Sanitary Chief Boyet San Gabriel, magsasagawa sila ngayon ng pag-iinspeksyon sa 3 punerarya ang Manila Funeral Homes, Valley of Peace at San Rafael Funeral Parlor upang masigurong sumusunod ang mga ito sa panuntunan ng Manila Health Department.